Ang Kulay puting Baul
Si Victoria ay isang 20 taong gulang na dalaga. Magtatapos na siya ng kursong Anthropology ngayong taon na ito. Hilig niyang pag-aralan ang mga kultura’t tradisyon ng mga tao at mga bagay bagay na may kaugnayan sa nakaraan ng mga ito.
“ May sulat para sayo.” Sabi ng Nanay niya at sabay itong inabot sa kanya. Kauuwi lang niya galing sa unibersidad at pagod na pagod siya dahil sa tagal ng biyahe. Nagmano muna siya sa kanyang ina bago kinuha ang sulat.
“ Galing kay Nati, ano kaya ang bago niyang balita?” tanong niya sa kanyang sarili habang binubuksan ang sulat. Si Nati ang pinsan niyang taga-Cebu at mas matanda sa kanya ng dalawang taon. Umupo siya sa kanyang higaan at saka binasa iyon.
***
Mahal kong pinsan,
Kumusta ka na? Balita ko kay tita ay malapit ka ng magtapos. Tutal magbabakasyon na, Ba’t di ka pumarito. Hinahanap ka ng Lolo at ng iba nating pinsan. Hihintayin ka namin at mamamasyal tayo. Tiyak kong marami kang magugustuhan dito na pwede mong pag aralan.
Pagdating mo ay ipakikita ko sayo ang mga tinanim kong bulaklak sa likod ng bahay. Magaganda iyon at mabango. Sige, hanggang dito na lang muna at may gagawin pa ako.
Nagmamahal mong pinsan,
Natalina
***
Ito ang nilalaman ng sulat ni Nati, nais nitong magbakasyon siya doon. Aaminin niya ay nasasabik siya na makapunta ulit sa Cebu. Buti nalang at tatlong linggo na lang ang hihintayin niya para makatapos.
Sumapit na ang Araw ng Kanyang pagtatapos, di na niya pinansin ang kalungkutan niya dahil magkakahiwalay na sila ng kanyang mga kaklase at mga kaibigan sa unibersidad. Sa halip mas naging sabik siya na makapagbakasyon. Kaya kinabukasan ay kumuha siya ng eroplano papuntang Cebu. Sinalubong siya ng kanyang Lolo at ni Nati. Pagdating nila sa bahay ay nagulat siya. Lalong gumaganda ang lumang bahay na halos mag iisang daan at kalahaing taon na.
“Maliit pa ako nang huli kong punta dito.” Sabi niya kay Nati.
“Kung hindi ako nagkakamali ay walong taong gulang ka pa lamang noon, Victoria”. Naalalang sabi nito sa kanya.
“Mukhang pagod ka, halika at ituturo ka sayo ang kwarto mo.” Sabi ni Nati sa kanya at tinulungan siyang kunin ang kanyang mga bagahe.
Mataas ang hagdang kahoy na nakapaikot sa gitnang bulwagan ng bahay. Ito’y tipikal na Bahay Kastila. Ang mga sahig ay yari sa pinakintab na pulang Narra at malamig ang loob ng bahay. Kakaunti lamang ang mga makabagong gamit gaya ng t.v, telepono at radyo dahil halos ang mga makikita mo ay mga sinaunang bagay na kung tawagin natin ngayon ay mga antigo. Pagdating mo sa taas ay may labing isang kwarto. Dinala siya ni Nati sa dulong kwarto at binilinan na magpahinga dahil sa pagod.
Pumasok na siya sa kwarto, malaki iyon at ang higaan ay may apat na poste. Sa paanan ng higaan ay may kung anong kahon na may takip na telang kulay asul. Sa kaliwa ay may malaking aparador na luma at sa tabi nito ay may pahabang salamin. Sa kanan naman ay may malaking kahoy na bintana na may kurtinang kulay rosas. Humiga siya sa kulay puting higaan. Napakakinis ng sapin nito at agad siyang nakatulog. Nananaginip siya, pakiramdam niya ay umupo sa gilid ng higaan niya at paglingon niya ay may lalaking nakatitig sa kanya at nginitian siya, mayhawak ito na belong pangkasal sa kaliwang kamay nito. Iniabot ng lalake ang kanang palad nito sa kanya at akmang hahawakan niya sana ito nang marinig ang tawag ni Nati.
“Victoria, gising na at tanghalian na.” Tawag nito mula sa labas ng pinto.
“Susunod na ako.” Wika niya. Umupo siya sa higaan at lumingon sa tabi niya. Nagtatakang itinanong niya sa kanyang sarili. ‘Nanaginip ba ako? Bakit ramdam na ramdam ko siya at parang pamilyar ang kanyang mukha?’ Oo nga, saan niya nakita ang mukhang iyon?’ Ito ang mga katanungan niya habang papunta siya sa hapag kainan.
Pagdating niya sa hapag kainan ay naroon na ang kanyang Lolo, si Nati at ang kanyang matandang dalaga na tiyahin na si Tiya Mina.
“O, iha kumusta ka na?” tanong ni Tiya Mina habang iniabot ang kanin sa kanya.
“Mabuti naman po Tiyang, Malaki ang bahay at tatlo lamang kayo nila Lolo at Nati na nakatira rito?” Tanong ni Victoria.
“Noon Iha na panahon pa ng Kastila ay isa tayo sa mga mayayaman sa lungsod na ito. Marami ng mga alaala ang dumaan sa bahay na ito at pag-aari pa ito ng lolo ng aking ama. Mahigit na ring anim na henereasyon na ang nakalipas. Kumbaga ay pinagpasapasahan nalang ito sa mga apo.” Pagpapaliwanag ng kanyang lolo. Marami silang napagkwentuhan pa at pagkatapos mananghalian ay niyaya siya ni Nati sa hardin nito.
Namangha si Victoria sa mga bulaklak na alaga ni Nati, lahat ng ito ay mga rosas na iba’t iba ang kulay. May pula, puti, dilaw at kulay rosas. Bawat halaman ay pinaghihiwalay ng mga Sampaguita na ngayon ay namumukadkad na kaya ang paligid at loob ng bahay ay may halimuyak nito. Pumitas siya ng isang puting Rosas at inamoy iyon nang kinalabit siya ni Nati.
“Siguro hindi ka pa tumitingin sa labas ng bintana ng kwarto mo? Subukan mong tumingin mamaya at itong hardin ang makikita mo sa ibaba.” Sabay turo sa bintana ng kwartong tinutuluyan ni Victoria.
“Oo nga ano?” masayang wika ni Victoria. Di nila namalayan na mula sa bintana ay may nakamasid sa kanila habang sila ay masayang nag-uusap.
Ala-sais na ng gabi at naghapunan na sila. Maaga kasing nagsisipagtulog ang mga tao sa bahay. Alas otso y media na nang umakyat siya sa kanyang kwarto. Gaya ng sabi ni Nati sa kanya ay subukan na sumilip sa bintana at ginawa niya iyon. Maliwanag ang buwan at iniilawan nito ang hardin. Kitang-kita niya ang mga bulaklak na nasa baba. Malamig ang hangin at pinapapasok nito ang halimuyak ng mga Sampaguita sa kanyang silid. Napakagandang lugar sabi niya sa sarili. Di gaya sa Maynila na maingay at mausok. Sinarado na niya ang bintana at isa-isa niyang inilabas ang kanyang mga damit sa kanyang bagahe at inilagay iyon sa lumang aparador. Pagkatapos na mailagay lahat ang mga damit ay natulog na siya.
May magkasintahan na masayang naglalaro sa hardin. Masyadong maliwanag ang sikat ng araw, naka talikod ang mga ito sa kanya kaya hindi niya nakilala ang mga iyon. Ang babae ay nakapusod ngunit biglang natanggal iyon at naladlad ang kanyang mahabang buhok. “Anita.” Tawag sa kanya ng kanyang kasintahan na pinulot ang magandang ipit na nahulog mula sa buhok ng dalaga.
Biglang naglaho ang magkasintahan sa kanyang panaginip at ang pumalit ay ang lalakeng may hawak na belong pangkasal. Tinatawag siya nitong Anita saka biglang naglaho sa dilim.

Masayang gumising si Victoria, agad syang naligo at nagbihis pagkatapos naman ay tumungo siya sa hapag kainan.
“Victoria, mamamalengke kami ni Tiya Mina. Walang kasama si Lolo, dito ka lang sa bahay, kung gusto mong mamasyal sa loob at sa may hardin ay maaari rin.” Bilin ni Nati.
Matapos mag-agahan ay umalis na ang dalawa. Nagpaalam sa Victoria sa kanyang Lolo na maglilibot lang siya sa loob ng bahay. Tinignan niya muna ang nasa ibabang bahagi ng bahay. Namangha siya sa mga antigong bagay na naroon. Pagpanhik niya sa itaas ay isa-isa niyang pinasok ang labing isang mga silid. Ang unang silid ay sala para sa mga panauhin at sa gilid nito ay may balkonahe. Ang ikalawa ay silid na pang musiko at sa pinakagitna ay may lumang piyano. Sumunod ay silid aklatan, at galeriya na may mga antigo’t mamahaling gamit at sa mga dingding ay may mga nakasabit na mga lumang litrato. Ang mga sumusunod pa ay mga silid tulugan na ang tatlo ay kanilang ginagamit ngayon. Ang natitirang tatlo pang tulugan matagal nang di natutulugan. Kabilang na dito ay ang silid na tinutuluyan niya. Bumalik siya sa galeria at doon ay nakatayo ang kanyang lolo. Isa-isang pinakilala ng kanyang lolo ang mga nasa larawan at nagkwento tungkol sa mga ito. Sa huling huli ay isang lumang litrato ng isang lalake
“Lolo sino siya?” tanong ni Victoria at tinuro ang malaking larawan.
“Siya si Mauricio. Bunsong kapatid ng lolo ng aking Ama. Siya ang sawimpalad sa ating angkan. May kasintahan siya na dapat ay pakakasalan na niya ngunit ito ay namatay sa sakit. Dahil sa sobrang pagmamahal at kalungkutan ay nagkasakit ito at namatay sa gulang na 23. O siya, bababa na ako.” Kwento ng kanyang lolo saka ito umalis at pumanaog na para magtimpla ng tsokolate.
‘Siya nga iyon, si Mauricio ang lalake sa kanyang panaginip. Ngunit ano ang dahilan at bakit siya nito tinatawag na Anita.’

Anim na gabi na ang nakakalipas di na niya napanaginipan si Mauricio. Ngayon ay naghahanda na siyang matulog. Bukas ang bintana at mula doon ay pumasok ang malakas na hangin. Sinarado niya iyon at paglingon niya, natanggal ang takip na kulay asul at iniluwa nito sa kanyang harapan ang kulay puting baul. Nakakandado iyon ngunit nakasabit sa tabi nito ang susi.
“ Ano kaya ang laman ng baul. Mabuksan nga?” wika niya tinanggal niya ang kandado at nagulat siya sa nakita. Isa itong damit pangkasal na ang hitsura ay pang Maria Clara. Tinanggal niya iyon at tinitigan.
“ Mahigit isangdaang taon na ang damit na ito ngunit parang bagong bago.” Hinubad niya ang damit na suot niya at isinuot ang pangkasal. Kasyang kasya, parang pakiramdam tuloy niya ay ginawa ito para sa kanya. Humarap siya sa pahabang salamin at nakita niya sa likuran si Mauricio. Unti unting nagbago ang kaanyuan ng paligid, parang sinaunang panahon. Pagharap niya ay papalapit ito sa kanya at pilit na pinapasuot at belong pangkasal. Napasigaw siya sa takot. Dahil doon, dali-daling bumukas ang pintuan ng kanyang silid at naroon ang kanyang Lolo, si Nati at Tiya Mina. Naabutan nila sa ayos na sumisigaw siya at namumutla dahil sa sobrang takot.
“Ayoko! Lumayo ka sa akin Mauricio. Ayoko!” Nagiiiyak na siya nito. Tumakbo si Nati at niyugyog ang balikat niya na siyang nagpabalik ng katinuan niya at sa bagong panahon.
“Anong nangyari?” tanong ni Tiya Mina. Kinuwento niya ang lahat mula noong panaginip niya nang una siyang dumating sa bahay. Hinubad na rin niya ang damit pangkasal.
“Ang Damit na iyan!” Si Lolo, “Iyan ang damit pangkasal na ibinigay ni Mauricio kay Anita. Ang silid na ito ay kay Mauricio at sa higaan na iyan siya namatay. Namatay siyang hawak-hawak ang belo na kasama ng damit. Sumama kayo sa akin.”
Tinungo nilang apat ang galeria at mula sa ilalim ng lamesita ay may libro. Ang laman ng librong iyon ay mga larawan. Ipinakita ng Lolo ni Victoria ang larawan ni Anita.
“Iyon pala ang dahilan kung bakit ka niya tinatawag sa ganoong pangalan.” Sabi ni Nati.
“Ikaw at si Anita ay walang pinagkaiba. Kamukhang kamukha mo siya.” Iyon ang binanggit ng kaniyang Tiya Mina at nagulat siya nang tignan niya iyon. Wala ngang pagkakaiba sa pisikal na katangian. Siyang-siya nga ngunit ang pinagkaiba nga lamang nila ay ang panahon na kanilang ginagalawan at ang haba ng kanilang mga buhok. Binilin ng kanyang Lolo na doon na siya matulog katabi ni Nati. Sinunod niya iyon at hiniling niya sa kanyang pinsan na huwag siyang iiwanan.
Kinabukasan ay mataas na mataas ang kanyang lagnat. Nag-alala na ang kanyang Tiyahin at binantayan siya buong magdamag. Walang natulog ni isa man sa kanila para lamang bantayan si Victoria. Alas singko ng hapon ay lalong tumaas ang lagnat ni Victoria at napakalamig ng mga paa at kamay ng dalaga. Maya maya ay nagulantang ang lahat ng magsimula nang magsalita si Victoria
“Mauricio, Mauricio….” Mahinang sabi ni Victoria. Tinatawag na siya ni Mauricio.
“Anita, sumama ka na sa akin. Matagal na kitang hinihintay.” Si Mauricio. Ang kaluluwa nito ay unti unti nang binibihag ang kanyang diwa at nais nito na sumama na siya sa lalake.
“Lolo, anong gagawin natin.” Tanong ni Nati.
“Nati, Kausapin mo siya. Huwag mo siyang hayaan na sumama siya kay Mauricio.” Paliwanag ng Lolo.
“Saan po kayo pupunta?” tanong ni Nati nang makitang papaalis ang lolo.
“Mina, tulungan mo ako, kailangan nating sunugin ang damit. Yun lang ang tanging paraan para mapalaya ang kaluluwa ni Victoria kay Mauricio” Sabi ni Lolo.
Sumama si Tiya Mina sa kanyang ama habang si Nati naman ay kinakausap si Victoria.
“Victoria, huwag mo siyang pakinggan. Kahit anong mangyari huwag kang sumama kay Mauricio. Hindi ikaw si Anita!” Iyak ni Nati nang nakita nitong nawawalan na ng kulay ang dalaga.

Ibinaba na nila Tiya Mina at Lolo ang puting baul at dinala iyon sa may hardin. Naghukay sila at doon inilagay ang baul.
“Anita, Anita, Halika na, sumama ka sa akin.” Naririnig na tawag ni Mauricio kay Victoria. Nakita niya na siya ay nasa hardin at doon ay naghihintay sa kanya si Mauricio. Nagulat siya at sa gitna ng hardin ay naroon ang kanyang tiya at ang kanyang lolo na may hawak na kahoy. Sinilaban na ng Apoy ang hawak na kahoy na Tiya Mina saka ibinigay iyon kay Lolo.
“Anong ginagawa nila, sinusunog nila ang damit pangkasal mo. Kailangang pigilan ko sila!” galit na sabi ni Mauricio.
“Sasama na ako sayo!” sigaw niya. Nilapitan siya ni Mauricio at nang akmang hahawakan na niya ang kamay nito ay naunang nasunog na ang baul. Naglaho si Mauricio.
Naging Abo na ang baul at binalik na nila Tiya Mina at Lolo ang lupa na mula sa pinaghukayan. Madaling araw na at pagdating nila sa silid kung saan naroon si Victoria ay nasiyahan sila ng makita itong mahimbing na natutulog at wala nang lagnat.
Kinabukasan, masiglang-masigla si Victoria. Naalala niya ang nangyari at pinuntahan nila ang pinaglibingan ni Mauricio. Nag-usal siya ng isang dasal para tuluyan nang matahimik ang kaniyang kaluluwa. Makaraan ang dalawang araw ay nagpaalam na si Victoria kina Lolo, Nati at Tiya Mina. Hindi niya makakalimutan ang mga nangyari sa kanya sa bahay na iyon.
Doon sa may Hardin, masayang nagkita ang dalawang magkasintahan na tapat at hanggang kamatayan ang pagiibigan sa isa’t isa. Maliwanag na maliwanag ang hardin at doon ay mahigpit na nagyakap sina Mauricio at Anita. Si Anita ay suot suot ang damit na pangkasal at nilagay na ni Mauricio sa ulo ni Anita ang belong kasama ng damit. Ilang taon na rin na mahigit isang daang taon ang hinintay at tiniis ng dalawang kaluluwang nag-iibigan ang muli nilang pagkikita dahil sa kanilang mga kaluluwa ay namamayani ang Pag-ibig na wagas at Pag-asa.
Dee Almeda View All →
Multi-conscious, Sensual, Intuitive and a follower of Goddess Inanna
A woman who values life in a higher divine level than the materialistic level of life.
Loves volunteer works for Non-Government organizations that supports life, animals, nature and spiritual growth.
Currently in a quest to achieving Multi-Dimentional Consciousness.